Pinaghalong kaba, saya, at excitement ang pangunahing nadarama sa tuwing nagbubukas ang bagong taon ng klase. Bago pangunahan ng mga emosyong ito, ano-ano nga ba ang dapat dalhin sa unang araw ng klase?
Maliban sa mga kagamitang pang-eskwela kagaya ng papel at panulat, mahalagang bitbit rin ang mga bagay na ating tatalakayin sa sulating ito.
Ang pagpasok sa panibagong yugto ay maaring makaroon ng malaking pagbabago sa buhay. Bilang estudyante, ang mga obligasyon at gawain ay pahirap ng pahirap din habang ikaw ay tumutungtong sa mas mataas na antas.
Magiging bago ang kapaligiran, mas mahigpit ang iskedyul at mas matinding pag-aaral ang kakailanganin. Sa likod nito ay mapupuno pa ng kaba, saya, at minsan ay excitement sa mga bagong bagay at pangyayari sa loob ng paaralan.
Atin ngayong tatalakayin ang mga bagay na maaari mong maranasan ngayong papasok ka na sa Senior High School. Kabilang sa usaping ito ang mga bagong asignatura, tips, mga hamon at kung ano-ano pa para kahit papaano ay may ideya ka sa papasukang yugto.
{tocify} $title={Table of Contents}
Tips Para sa mga Senior High School Students |
Ating kilalanin ang Senior High Track System
Isang mahalagang paghahanda at pagdedesisyon ang kailangang gampanan bago pa man magsimula ang pasukan. Kailangang pumili ng track sa SHS at sa track na ito, kailangan pang pumili uli ng strand kung saan yon ang magiging basehan ng mga aralin at larangan na iyong tutunguhin.
Ang mga track na pagpipilian ay binubuo ng Academic, Technical-Vocational-Livelihood (TVL), Arts and Design, at Sports.
Upang mas maintindihan ang mga ito, narito ang tatlong strand sa Academic Track, gayundin ang ilang halimbawa ng mga subjects:
- STEM (Science, Technology, Engineering, Mathematics) - Physics, Calculus, Earth Science
- ABM (Accountancy, Business and Management) - Business Ethics, Marketing, Fundamentals of Accountancy, Business and Management I and II
- HUMSS (Humanities and Social Sciences) - Creative Writing, Philippine Politics, Philippine History, Culture and Society
- TVL (Technical-Vocational-Livelihood) - Agri-Fishery Arts, Home Economics, Industrial Arts, at Information and Communications Technology (ICT).
Sa pagdedesisyon kung aling track at strand ang pipiliin, mabuting magsaliksik muna at kilalanin ng mabuti ang iyong sarili at ang larangan na nais mong pasukin sa hinaharap. Hindi ito samahan ng kaibigan. Piliin ang iyong gusto upang hindi ka magsisi sa bandang huli.
Magandang Daily Routine ng Isang SHS Student
Ang pagkakaroon ng magandang iskedyul sa mga bagay-bagay ay makakatulong upang hindi ka mawawala o mapag-iiwanan lalo na kung ito ang unang pagkakataon na mawawalay ka sa iyong pamilya.
Isa itong malaking responsibilidad kaya kailangan magkaroon ng time management upang hindi masyadong mahirapan sa pagbabagong ito.
Tandaan, hindi na floorwax lang ang proyekto at maaaring hindi na pwedeng umasa lang sa stock knowledge o last-minute review. Kailangan mo ng disiplina at wastong paglalaan ng oras sa mga bagay-bagay. Narito ang isang halimbawa:
Oras | Gawain |
---|---|
5:30 - 7:30 AM | Almusal, Paghahanda, Byahe |
7:30 - 12:00 NN | Mga klase at diskusyon |
1:00 - 5:00 PM | Klase sa ibang subjects, Activities |
5:00 - 6:00 PM | Paggawa ng Takdang-aralin o review |
7:00 - 9:00 PM | Pahinga o family bonding |
![]() |
Daily Routine ng Isang SHS Student |
Mga Praktikal na Tips para sa Personal Growth
Maliban sa mga teknikal na kaalaman na siyang pag-aaralan, mahalagang mahubog rin ng maayos ang mga soft skill at personal na kakayahan. Hindi madalas naituturo ang mga ito pero mahalaga sa tunay na kalakaran ng buhay. Upang mahasa ng mabuti ang mga kasanayang ito, narito ang ilang tips:
Magkaroon ng disiplina sa sarili
Hindi lahat ay itinuturo ng guro. Kailangang magbasa pa rin tuwing gabi at iwasan ang mga bagay na kumukuha ng iyong atensyon.
Makipagtulungan kung may pangkatang gawain
Laging may group works at presentations kaya makipagtulungan upang mahasa ang kakayahang maging lider at makisalamuha. Huwag maging pabigat.
Tanggapin ang pagkukulang at pagkakamali
Hindi sa lahat ng pagsusulit at quizzes ay papasa ka, maliban na lamang kung talagang nagreview ka ng maayos. Gayunpaman, kung ikaw man ay nakakuha ng mababang grado o iskor, huwag kang panghinaan ng loob. Tanggapin ito ng buo at magpatuloy dahil maaari kampang bumawi sa mga susunod.
Pahalagahan ang oras
Kung marami kang ginagawa, tila madadama mong hindi sapat ang 24 na oras lalo na kung sabay-sabay ang mga deadline ng mga gawain, quizzes, at proyekto. Dahil dito, mahalagang magkaroon talaga ng time management.
Narito naman ang mga subok na tips na galing sa mga estudyanteng nauna nang nagsitapos kagaya ko. Maaring hindi maging akma ang lahat para sayo pero kung anong nagwowork para sa'yo, yun ang sundin mo. Ang mga 'to ay sadyang basehan lamang.
- Huwag matakot magtanong – Hindi ito kahinaan. Ito ay isang hakbang upang lalong matuto.
- Gamitin ang teknolohiya nang tama – Mula sa naglalabasang produkto ng teknolohiya, gumamit ng apps tulad ng Google Calendar, Canva para sa school requirements, at quizlet para sa pagrereview.
- Sumali sa mga club o organisasyon – Hindi lamang dagdag-karanasan ang pagsali sa mga grupo, isa rin itong magandang outlet para maibsan ang stress.
- Magpahinga – Ito talaga ang palaging nalilimutan ng iba. Napapagod ka at normal lang 'yon kaya kung hindi na kaya, magpahinga rin. Hindi kailangan perpekto ang lahat. Alagaan ang sarili dahil mas mahirap magkasakit.
- Huwag ikumpara ang sarili sa iba – Bawat isa ay may sariling learning pace. Ibig sabihin, kung ang iba ay mabilis matuto, meron ding iba na kailangang ulit-ulitin ang isang leksyon para maintindihan ito. Ang importante ay gumagawa ka ng hakbang upang matuto.
Basahin din: Tips Para sa Bawat Freshman sa Kolehiyo
I-Budget natin ang Allowance mo!
Isang malaking hakbang sa pagiging responsableng estudyante ang tamang paggamit ng allowance. Gaano man kalaki o kaliit ang iyong baon, narito ang isang simpleng allowance breakdown para sa tulad mong SHS student.
Saan Mapupunta | Alokasyon |
---|---|
Pagkain | 40% |
Supplies, Projects, Print | 25% |
Savings | 15% |
Pamasahe | 10% |
Emergency Fund | 10% |
![]() |
Budgeting 101: Saan Mapupunta ang Allowance? |
Mental Health Matters: Huwag Abusuhin ang Sarili
Hindi maiiwasan ang stress sa dami ng gawain. Mahihirapan ka na ring matulog lalo na kapag sunod-sunod ang deadlines. Dahil dito, mahalagang bantayan ang sarili at magpahinga rin kung kinakailangan lalo na kung tuloy-tuloy ang ginagawa.
- Maaari kang makipag-usap sa kaibigan, magulang, kapatid, teacher o guidance counselor.
- Iwasan ang toxic productivity. Okay lang magpahinga dahil tao ka, hindi robot.
- Maglaan din ng oras para mag-relax at makipagbonding.
Kung ikaw ma ngayon ay nahihiya o walang masyadong kaibigan, lakasan lang ang iyong loob at maniwala ka lang sa'yong sarili.
Mahirap talaga ang lahat sa una, ngunit habang patuloy ka lang sa pagpapaunlad ng iyong sarili, mapapansin mo ring mas nagiging confident ka na.
Kung sa akala mo'y nahihirapan ka talaga, narito ang mga maaari mong gawin habang bakasyon:
- Mag-review o advanced reading sa mga subjects na nahirapan ka.
- Magbasa ng educational blogs kagaya ng Kaya Ko Rin at manood ng study vlogs sa Youtube o iba pang platform.
Sa Dulo ng Lahat
Maninibago man sa umpisa, tandaan na ang pagtungtong sa mas mataas na antas ng pag-aaral kagaya ng Senior High School ay isang mahalagang pundasyon sa hinaharap. Hindi masamang maghangad ng halos perpektong grado, pero kung nakakaramdam ka na ng pagod, huwag kakalimutan na magpahinga.
Makilahok kung kaya pa ng iskedyul mo ngunit huwag din hahayaan na sali ka lang ng sali. Kailangan pa rin na balanse para maayos lang ang takbo. Kapag nahihirapan naman, huwag matatakot o mahihiyang magpatulong. Lahat tayo ay nagkakamali pero tayo ay natuturo rin.
Ang pangarap na sinabayan ng pagsisikap at disiplina ay tiyak na mararating. Kaya sa bawat araw ng pagpasok, tandaan mong may pagkakataon kang gawin ang makakabuti sa iyong sarili at sa iyong kinabukasan. Nasa kamay mo ang susi ng tagumpay.
Handa ka na bang pumasok bilang SHS student? Tatagan mo ang iyong loob dahil dito mahahasa ang mas maganda mong kinabukasan.