Mula sa pinagmulan ng mga bagay-bagay, tuklasin ang hiwaga ng mga alamat sa Pilipinas. Ang litratong ito ay mula sa Unsplash.
Mula pagkabata, ang alamat ang kinalakhan nating anyo ng panitikan na syang nagsasalaysay sa mga pinagmulan ng mga bagay-bagay.
Sa aming bayan, madalas itong kinukwento ng mga matatanda kapag nagkukumpulan na ang mga bata. Masasabi kong ito ay nakaaaliw at nagtuturo ng mabuting asal.
Kung titignan naman natin ang bawat rehiyon sa Pilipinas, may sariling bersyon din sila ng alamat kung saan dala-dala ang kultura at paniniwala. Pero ano mang bersyon ang ating mababasa, ang kabutihang nais itanim sa isipan ng bawat tagapakinig o mambabasa ay mahihinuha.
{tocify} $title={Table of Contents}
Maliban sa pagtalakay sa katangian ng alamat, ating bibigyang-tuon ang isang partikular na halimbawa: ang alamat na "Kung Bakit Nasa Ilalim ng Lupa ang Ginto" mula sa Baguio.
Ang alamat na ito ay salamin ng kabutihan at kasakiman, gayundin ng kasaganahan at kaparusahan.
Pagbibigay kahulugan sa alamat
Ang alamat ay isa sa mga kauna-unahang panitikan ng mga Pilipino bago pa dumating ang mga Español.
Isinasalaysay nito ang mga pangyayari na nagdulot ng pagkabuo ng mga pook, pangyayari, tao o bagay.
Sa madaling salita, ang alamat ay isang kwentong-bayan na naglalahad kung saan nagmula ang mga bagay-bagay.
Estruktura
Ang estruktura ng isang alamat ay binubuo ng simula, gitna at katapusan.
Ating mapapansin na ang mga pangyayari na sumasalamin sa tradisyon, kultura at kaugalian ng sinaunang Pilipino ay naipapakita sa tulong ng mga bahaging ito.
Simula
Ito ang pinakaunang parte ng alamat kung saan inilalarawan ang mga tauhan, tagpuan, at suliranin sa kwento.
Gitna
Dito matatagpuan ang saglit na tunggalian, kasiglahan, at kasukdulan ng kwento.
Wakas
Sa bahaging wakas matatagpuan ang pagsasalaysay sa kakalasan at katapusan ng kwento.
Ngayong alam na natin ang bawat bahagi ng isang alamat, atin naman ngayong suriian ang halimbawang "Kung Bakit Nasa Ilalim ng Lupa ang Ginto."
Buod ng Alamat
Sa nayon ng Suyuk, pinamumunuan ito ng matapang na lider na si Kunto. Isang araw, sa kanyang pamamanata, isang mahiwagang uwak ang nagpakita at naging hudyat ng isang banal na pangyayari.
Matapos ang isang ritwal ng cañao, lumitaw ang isang matandang sugo na nagbigay ng panuto. Malinaw nitong sinabi na magsakripisyo ng kanin, maghintay ng tatlong araw, at huwag galawin ang isang punong lilitaw.
Tumambad nga ang isang punong-kahoy na kumikinang at tila purong ginto. Sa simula’y ginamit naman ito ng mabuti ng mga taga-Suyok, ngunit kalaunan ay nanaig ang kasakiman sa puso ng mga mamamayan.
Ang puno ay pinutol ng mga tao. Sa sandaling iyon din, dumagundong ang langit at nilamon ng buo ng lupa ang puno. Mula noon, ang ginto ay naging mailap na at kailangan pang hukayin sa ilalim ng lupa.
Kasukdulan ng Alamat
Ang kasukdulan ng kwento ay nang ang mga mamamayan ng Suyuk ay piniling sirain ang punong-ginto sa kabila ng babala.
Ang kanilang personal na kasakiman ay naging hudyat sa pagkawala ng isang magandang biyaya.
Sa isang iglap, nawala ang mahalagang bagay na dapat sana ay makakatulong pa ng matagal sa kanilang pamayanan.
Ganiyan din sa tunay na kalakaran ng buhay, kung pilit nating inaabuso ang isang bagay, kusa itong mawawala at mauubos ng hindi natin napapansin.
Mensahe ng Alamat
Aral | Kahulugan |
---|---|
Ang kasakiman ay may kapalit na kabayaran | Sa halip na magpasalamat sa ipinagkaloob, pinili ng mga tao ang pagnanasang angkinin ang lahat. Ang kanilang kasakiman ay naging dahilan ng kanilang kapahamakan. |
Huwag abusuhin ang biyaya sapagkat ito ay may hangganan | Hindi sa lahat ng pagkakataon ay may biyaya. Kapag masagana at marangya ang grasya, huwag kang sumobra dahil lahat ay may hangganan kapag inaabuso. |
Huwag maging masama sa kalikasan dahil lahat ng ating gagawin ay babalik din sa atin. | Sabi nga nila, huwag mong gawin sa iyong kapwa ang ayaw mong gawin nila sa'yo. Maging mabait sa iba maging sa kalikasan dahil sa huli, tayo din ang aani at tatamasa sa anumang kasamaan na ating gagawin. |
Mga Tauhan
Kunto – Batang pinuno, simbolo ng tapang at pananampalataya.
Matandang Lalaki – Sugo ng bathala na nagsilbing tagapagsubok ng kabutihan.
Mga Taganayon – Mga mamamayan sa alamat na sumasalamin sa pagbabago ng ugali bunga ng tukso.
Punong-Ginto – Sumisimbolo sa biyaya at pagsubok sa kabutihan ng mga tao.
Estilo ng Pagsusulat
Sa mitolohikal na anyo, ang alamat na ginawa nating halimbawa ay nagpapakita ng pagsunod sa mga anito at sugo ng kalikasan. Ito ang madalas na pinaniniwalaan noon ng ating mga ninuno bago pa man maimpluwensiyahan ng ibang bansa at kultura.
Sa paggamit naman ng simbolismo, ginamit ang ginto bilang paglalarawan ng tukso. Hindi ito nalaban ng mga taga-nayon at dahil dito, ipinapahiwatig na kahit noon, mahirap talagang himdi mahulog sa tukso.
Kung sa tradisyunal na estruktura, kumpleto naman ang bawat bahagi. May simula, gitna kung saan matutunghayan ang tunggalian, at wakas kung saan inilalatag ang kakalasan, pati ang aral at mensahe ng akda.
Sa Dulo ng Lahat
Ang alamat ay hindi lamang kwento ng pinagmulan ng kung ano mang nasa paligid natin. Ito rin ay sumasalamin sa ating pagkatao at mga katangiang tinataglay.
Sa alamat na binigyang-pagsusuri, mahihinuha na ang biyaya ay natural na dumarating, ngunit ang kasakiman ng puso ang siyang pumuputol sa kasaganaang ito.
Kung kasakiman lang din ang mananaig, darating ang punto kung saan ang biyaya ay kusang titigil. Kagaya ng gintong nilamon ng lupa, hindi ito kailanman magiging karapat-dapat sa mga taong may pusong sakim.