Isa sa madalas na kalaban ng bawat estudyante ang antok lalo na sa panghapong klase. Ang manatiling gising at alerto ay isang pagsubok tuloy lalo na kung aktibo ang guro sa pagtawag ng pangalan.
Mas mahirap pa ang delubyo kung ang pinaka-ayaw pang subject ang natapat sa hapon. Pabagsak na ang mga mata pero parang biglang binuhusan ng malamig na tubig kung tinatawag ng guro.
May magagawa pa ba o sadyang ganito na lang ang magiging senaryo?
Syempre meron kang magagawa para kahit papaano ay maiwasang mong antukin tuwing may klase ka sa hapon. Hindi mo kailangang pahirapan ng husto ang iyong sarili dahil praktikal lang din naman ang mga pwede mong gawin.
{tocify} $title={Table of Contents}
Bilang estudyante, isang malaking responsibilidad ang pag-aaral ng mabuti. Kailangang magpursige at mapanatili ang konsentrasyon para matutunan ang bawat paksa.
Ang mga epektibong paraan na babanggitin ay hindi lamang upang malabanan ang antok sa panghapong klase, ito rin ay simula ng pagdidisiplina sa sarili. Hindi para sa ikakadagdag na aalahanin, kundi para sa ikakabuti ng sarili.
Kung pagsampal sa sarili ang sagot na iniisip mo, mali ka. Hindi pisikal na pananakit sa sarili ang kailangan kundi wastong kaalaman.
![]() |
Antukin sa klase, solusyonan. Mula sa Unsplash |
Mahalagang maintindihan na ang pagkaantok ay normal lang na maramdaman. Kung bakit ito nararanasan ay dahil senyales ito ng pagbaba ng ating enerhiya dulot ng ilang salik kagaya ng pagkain at tulog.
Kapag ginawa ang mga sumusunod, malaki ang tyansa na hindi na magiging sagabal ang antok sa pakikinig sa guro at pag-unawa sa mga inaaral.
Wastong Paghahanda Bago Ang Klase
Matulog ng sapat na oras sa gabi
Ang pagkakaroon ng sapat na oras ng tulog araw-araw ay mahalaga upang manumbalik ang lakas at maganda ang gising kinabukasan.
Kumain ng wasto
Iwasan ang matataba at mabibigat na pagkain sa tanghalian. Mas mainam na kumain ng pagkaing mayaman sa protina kagaya ng manok o itlog, at pagkaing mataas sa fiber kagaya ng mga berde at madahon na gulay, at prutas kagaya ng saging.
Bagama't kailangang limitahan, kailangan pa rin ng ating katawan ang asukal. Ito ay nagbibigay sa atin ng enerhiya. Pero mas mainam na manggaling ito sa mga natural na pagkain kagaya ng prutas. Huwag yung mga highly-processed na pagkain dahil maraming cholesterol at unhealthy fats ang ilan sa mga yon.
Basahin din: 5 Hakbang sa Pangangalaga ng Mental Health bilang Mag-aaral, Alamin
Mga Teknik sa Loob ng Klase
Microbreaks
Dahil tuloy-tuloy ang klase, kailangang gamitin ang mga breaks sa pag-iinat ng katawan. Tumayo kung kinakailangan at huwag lang umupo ng mahabang oras.
Pwede ring i-unat ang mga kamay paminsan-minsan at isama din ang balikat kung may libreng oras. Galaw-galaw lang dahil epektibo ito.
Malalim na paghinga
Paminsan-minsan ay huminga nang malalim sa loob ng ilang segundo. I-hold lang ito ng ilang segundo rin at pagkatapos ay dahan-dahang ilabas ang hangin. Ulitin lang ito ng ilang beses at tiyak namagigising ang iyong diwa.
Huwag kakalimutang uminom
Maliban sa pagpunta sa CR para umihi, ang pag-inom ng tubig ay epektibo para hindi antukin. Mas okay kung magdala ng reusable water bottle o tumbler para hindi na bumili.
Okay lang din ang kape pero iwasan ang sobrang caffeine at asukal. Baka mas magdulot lamang ito ng pagod kapag nasobrahan dahil meron talaga yung parang mas inaantok pag umiinom ng kape.
Narito naman ang iba pang paraan na maari mong gawin depende sa kagustuhan mo:
- Pagnguya ng candy o bubble gum
- Umupo sa harap at makinig ng maayos
- Magrelax lang at huwag mag-isip ng ibang bagay
- Sumali sa diskusyon at magtanong kung kinakailangan
- Huwag pumwesto malapit sa aircon
Sa Dulo ng Lahat
Hindi ibig-sabihin na ikaw ay tamad kung makaramdam ka ng antok sa klase. Normal lang ito at kadalasang nararanasan dahil sa ilang bagay na nabanggit.
Mula sa pagtulog nang sapat, pagpili ng tamang pagkain, hanggang sa simpleng pag-inat ng mga kamay at paghinga ng malalim, matutulongan mo ang iyong sarili na labanan antok.
Walang eksaktong susi para dito dahil iba-iba tayo pero kung kaya ng iba na maging alerto at produktibo sa hapon na klase, bakit ka magpapahuli?
Gawin lang ang mga bagay na nabanggit at gawing bahagi ng araw-araw na gawain. Pansinin ang magiging resulta at kung antukin ka pa sa susunod, marahil ay kailangan mo nang maging mas disiplinado.