Pagkakaroon ng medalya sa graduation, mahalaga nga ba?

Maliban sa pagmartsa habang suot ang toga o pag-akyat sa harap ng entablado para kunin ang diploma, kailangan bang meron ka ring medalya kung ikaw ay magtatapos?

Pwedeng oo, pwede ring hindi. Maraming magdedebate tungkol dito at ito ang aking masasabi tungkol sa usaping ito:

Higit pa sa dunong na naitanim sa aking isipan, ang pagkakaroon ng medalya noong ako'y grumadweyt ay simbolo ng ilang taong hirap, dedikasyon, at pasensya.

Source: Unsplash | Joshua Hoehne

Hindi kailangan na kapag gagradweyt ay dapat sabitan ka ng medalya. Ngunit kung ang pagtanggap sa ganitong karangalan ay pagbibigay ng pagkilala sa taos-pusong pagsisikap para marating ang pangarap, bakit pa tatanungin?

Sa makatuwid, kapalit lang din naman ng paghihirap at pagsusumikap ang medalyang natatanggap tuwing nagsisipagtapos ang mga estudyante. Ngunit hindi rin ibig sabihin na kung wala kang natanggap na medalya ay hindi ka na nagpursigi.

Maaring kinulang lang ng ilang puntos na masakit naman talaga sa kalooban lalo na kung ginawa mo naman talaga ang lahat ng iyong makakaya.

Hindi rin naman lahat ay pare-pareho. Kung may isang bagay man na parehas ang lahat, yan ang pagtanggap ng masigabong palakpakan para sa pag-abot ng pangarap.

Sa pagtatapos pa nga lang ay masasabi na nating may napagtagumpayan tayo. May nagawa tayo para sa ating kinabukasan. May napatunayan tayo.

Hindi nagtatapos sa pagtanggap ng karangalan ang buhay. Hindi rin sa pagdedebate kung karapat-dapat bang magkaroon ng medalye kung ikaw ay magtatapos. At lalong hindi ngayon.

Basahin din: 5 Hakbang sa Pangangalaga ng Mental Health bilang Mag-aaral, Alamin

Sa Dulo ng Lahat

Ang medalya sa pagtatapos ay higit pa sa simpleng palamuti sa leeg. Ito ay bunga ng walang-sawang pagtitiyaga at sakripisyong inialay sa pag-aaral. 

Ito rin ay hindi simpleng parangal kundi simbolo ng paninindigan at pagtitiwala sa sarili na makakaya ang alin mang bagay ba nanaisin.

Sa sandaling mailagay ito sa dibdib, ang bawat kislap at tunog habang ika'y naglalakad ay sumisimbolo sa lahat ng aral at pagkalinga.

Hindi ito binigay para inggitin ang iba at sabihing ang mga nabigyan ay mas magaling kaysa sa kanila. Nagbubunsod lamang ito ng kumpiyansa at inspirasyon para sa lahat upang mas lalong magsumikap.

Sa paglipas ng panahon, ang bawat pagsulyap dito ay magbabalik sa atin sa mga sandaling pinagtagumpayan ang akala'y kay hirap abutin.

Oo't sadyang may mga pagkakataon talaga na hindi pangkalahatan. Pero ang mga bagay na wala tayo ay hindi indikasyon ng pagiging huli sa tagumpay.

Maaaring wala tayong natanggap na medalya pero napuno naman ang ating ulo ng napakaraming aral sa buhay.

McJulez

McJulez is a dedicated writer with a passion for creating concise summaries, sharing insightful notes, and offering fresh perspectives on various topics. With a Bachelor’s degree in Business Administration and a background in campus journalism, McJulez is committed to delivering content that is both reliable and enriching. Focused on fostering a healthy learning community, McJulez aims to make this platform a space for knowledge, growth, and meaningful connections.

Mag-post ng isang Komento

Mas Bago Mas luma