Mula sa kwento ng mga matatanda, pinaniniwalaan na merong sirena. Bagama't mahirap paniwalaan at may kaniya-kaniya tayong opinyon, ang mahalaga ay ang pagbibigay-respeto sa mga ganitong usapin.
Ngunit paano naman kung ang tao'y mahuhulog ang loob sa isang sirena? Maraming nagsasabi na ang awit ng mga sirena'y sobrang nakakabighani at ang sinumang makakarinig ay mahuhulog sa kaniyang bitag.
Samu't saring kwento ang nagsasalaysay nito, pero merong isang mitolohiya na namumukod-tangi.
Ang Sirena at si Santiago ay isang mitolohiya na mula sa Pagadian City. Ito ay isang kuwentong likha ng paniniwala at mahiwagang ugnayan ng tao at kalikasan. Kakaiba ngunit kapupulutan pa rin ng aral ang mensaheng hatid nito.
{tocify} $title={Table of Contents}
Pagsusuri sa Akdang Ang Sirena at si Santiago. Ang litrato ay mula sa Unsplash. |
Pagtalakay sa Buod ng Kwento
Sa isang nayon na malapit sa dagat, naninirahan ang pangunahing tauhan na si Santiago. Siya ay isang mangingisda na kilala sa kanyang katapangan at kasipagan.
Isang araw habang siya’y nangingisda, nakarinig siya ng isang tinig. Matinis ito ngunit nakakaakit. Sa tingin niya'y nanggagaling ang tunog sa gitna ng karagatan. Sa sobrang kuryosidad, hindi niya napigilan ang kaniyang sarili na sundan ang tinig na iyon.
Sa kanyang paglapit, hindi niya inaasahang makakakita siya ng isang kakaibang nilalang. Ito ay kalahating babae at kalahating isda. Napagtanto niya na isang sirena ang kaniyang nakita.
Nang mapansin ng sirena na may taong nakakita sa kaniya, lumayo ito. Gayunpaman, hinabol pa rin siya ni Santiago hanggang sa isang iglap, makikita na lamang na araw-araw silang magtagpo sa likod ng dalawang malalaking bato.
Napagalamanan ni Santiago na Clara ang pangalan ng sirena. Dahil sa pag-ibig sa isa't isa, napagpasiyahan ni Santiago na sumama kay Clara sa kaharian nila.
Sa kabilang banda, nang mapansing nawawala si Santiago ng ilang araw, tumungo ang ibang mangingisda sa dagat ipang siya'y hanapin.
Ganon na lamang ang gulat nila noong makita nila na magkasama si Santiago at ang sirena. Nagpasya silang huliin ang sirena pero dahil sa pagmamahal ni Santiago, sinangga niya ang kaniyang katawan na siyang nagdulot ng kaniyang kamatayan.
Bigo ring makatakas si Clara at sa huli ay namatay din ito. Nang malaman ng kaharian ang masaklap na nangyari, nagpakawala ito ng matataas na alon na siyang kumitil sa buhay ng mga mangingisda. Mula noon, naging mabait na ang mga tao sa Pagadian sa kanilang kapwa, kalikasan, at maging sa mga isda sa dagat.
Suriin ang Mensahe
Ang tinig ng sirena ay maaaring sumagisag sa mga tukso ng mundo na tila magandang musika sa pandinig, ngunit nagdudulot naman ng masama.
Katulad na lamang ng ibang oportunidad na binibigay ng ibang tao. Ang iba ay nabubudol sa mga too-good-to-be-true na pangako ng mga scammer. Bakit merong nabibiktima? Ito ay dahil na rin sa katotohanang magaling manukso ang ilan nang hindi napapansin ng mga biktima.
Ang isa pang bagay na matututunan sa kwento ay ang pagbibigay respeto maging sa kalikasan. Bagama't hindi ito nakakapagsalita kagaya ng tao, mapapansin na ang kasamaang ginagawa sa kalikasan ay bumabalik din sa atin.
Matuto tayong pangalagaan ang kapaligiran kagaya ng pagbibigay natin ng aruga sa ating sarili, pamilya, o kaibigan. Libre lang ito ngunit nagiging mailap minsan dahil sa kawalan ng disiplina.
Isa-isahin ang Mga Karakter
Santiago
Isang mangingisdang may matatag na loob. Siya'y walang takot rin na humarap sa panganib. Parang tayo siya minsan. May mga bagay na hinaharap natin ng buong tapang.
Gayunpaman, sa kabila ng kaniyang katapangan, ipinakita rin ng kwento kung paanong ang labis na pagtitiwala sa sarili at ang kawalan ng pag-aalinlangan ay maaaring magdulot ng kapahamakan.
Masasalamin pa sa kwento ang kapangyarihan ng labis na pagmamahal mula sa katauhan ni Santiago. Ipinapakita dito na ang taong nagmamahal ay handang gawin ang lahat kahit pa ikakapahamak niya.
Ang Sirena
Siya ay isang nilalang na may taglay na ganda’t tinig na nakakabighani. Siya ay kalahating tao at kalahating isda.
Sa totoong buhay, madalas ibato ng tao ang ganitong tawag sa mga miyembro ng LGBTQ+ spectrum. Gayunpaman, sinisimbolo ng sirena ang mga bagay na kaakit-akit ngunit hindi dapat basta-basta lalapitan. Nakakatukso kung pagmamasdan ngunit minsan ay nagdudulot ito ng kapahamakan.
Hindi naman masama ang sirena sa kwento gayundin ang intensyon nito ngunit ang kumplikadong relasyon niya kay Santiago na isang tao ay isang bagay na hindi normal sa nakararami kahit pa sa panahon ngayon.
Estilo ng Pagsusulat
Inilahad ang kwento sa payak ngunit malinaw na paraan. Gumamit ito ng mga tradisyunal na elemento ng mitolohiya tulad ng mahiwagang nilalang, isang karaniwang tauhan, at isang pamayanang saksi sa buong pangyayari.
Hindi rin masyadong gumamit ng mabibigat na talinghaga. Ito ay isang bagay na magugustuhan ng mga mambabasa kagaya ko. Dahil dito mas dama ang diwa ng kwento at madaling sundan ang agos ng mga pangyayari.
Ang tono ng pagsasalaysay ay tila pagkwekwento lang din ng mga matatanda. Kapansin-pansin ang paggamit ng maraming pang-uri sa paglalarawan sa sirena, sa hitsura nito at maging sa kaniyang tinig. Dumagdag ito sa pagpapalinaw ng imahinasyon ng bawat mambabasa o tagapakinig.
Katulad nga rin sa Alamat ng palay at mensaheng hatid nito, layunin ng akdang ito na panatilihing buhay ang kultura at kuwentong-bayan sa bawat henerasyon.
Pag-uugnay sa Panitikan
Ang kwentong ito ay bahagi ng mas malawak na tradisyon ng mga mitolohiya sa Pilipinas. Tulad ng mga kuwentong-bayan sa alinmang sulok ng Pilipinas, ang paggamit ng di-pangkaraniwang nilalang kagaya ng sirena ay palatandaan ng mayamang kultura at panitikan ng bansa.
Kagaya din sa inilahad sa Pagsusuri sa Akdang si Juan Osong: Katalinuhan at Katusohan, may pagkakatulad ang mga ganitong kwento. Layunin nitong magturo at magmulat ng mata mula sa mga bagay na minsa'y himdi pinapansin ng karamihan.
Sa Dulo ng Lahat
Sa akdang Ang Sirena at si Santiago, masasalamin ang napakaraming bagay kabilang ang masalimuot na damdamin, tukso, at pagmamahal.
Isa itong palatandaan na kahit nakakasilaw at nakakaakit ang isang bagay, kailangan pa ring suriin ng mabuti. Sa madaling sabi, huwag magpadala sa tukso. Kailangan pa ring gamitan ng isip at puso.
Sa pagtatapos ng ating pagsusuri, nawa'y nakadagdag ito ng tulong upang mas maunawaan ang banghay ng kwentong ito.