Phrase vs Sentence: Diskusyon ng pagkakaiba. |
Ang pagbuo ng isang pangungusap, pasalita man o pasulat, ay kailangang pag-isipan dahil kung hindi ito maayos, maaaring hindi maintindihan ng kausap o mambabasa ang iyong punto.
Isa sa mga pundasyon ng gramatika sa wikang Filipino na kailangang maintindihan ay ang malinaw na pagkakaiba ng parirala at pangungusap.
Bagama't parang magkapareho naman ang dalawang ito, mahalagang matukoy kung kailan ito ay simpleng parirala lamang at kung kailan naman ito binibilang na ganap na pangungusap.
{tocify} $title={Table of Contents}
Sa diskusyong ito, ating aalamin ang kanilang pagkakaiba at ang kahalagahan ng bawat isa sa pagsusulat. Gayundin ang mga uri at halimbawa nito upang lubos itong maunawaan at magamit nang wasto sa pagsulat ng sanaysay o iba pang anyo ng sulatin.
Depinisyon sa likod ng bawat termino
Ang parirala ay isang salita o lipon ng mga salita na walang buong diwa. Wala itong simuno o pandiwa o di kaya minsa'y parehong wala. Ang ideyang nais iparating ay hindi kumpleto. Wala rin itong panaguri kaya’t hindi ito tinuturing na isang pangungusap.
Narito ang ilang halimbawa:
- Sa ibabaw ng lamesa (anong meron sa ibabaw ng mesa?)
- Masayang nagtatawanan (bakit naman kaya may masayang nagtatawanan?)
Sa kabilang banda, ang pangungusap naman ay lipon ng mga salita na may buong diwa. Binubuo ito ng simuno, na siyang paksa, at panaguri, na tumutukoy sa paksa.
Mapapansin na ang bawat pangungusap ay nagsisimula sa malaking titik at nagtatapos naman sa bantas gaya ng tuldok, tandang pananong, o tandang padamdam.
Narito ang ilang halimbawa:
- Ang alagang aso ay tumatakbo palapit kay Maria.
- Si Kristoff ay masayang nagbabasa ng aralin.
- Ang mga binebentang gulay ni Aling Nena ay pinakyaw ng kaniyang mga suki.
Napansin ang pagkakaiba ng dalawa? Huwag mag-alala, atin pa itong bubusisiin.
Ang pangunahing pagkakaiba nila ay ang kaganapan ng diwa. Ang parirala ay kulang sa impormasyon at hindi kayang tumayo nang mag-isa, samantalang ang pangungusap ay buo ang kaisipan at madaling maintindihan.
LAYUNIN O KAHALAGAHAN SA PAGSUSULAT
Sa ating pagsusulat ng sanaysay o iba pang sulatin, mahalagang malaman ang tamang paggamit ng parirala at pangungusap. Isang dahilan ay upang mabigyang-linaw ang ating nais iparating na mensahe.
Isipin mo na lang kung laging parirala ang gamit ng isang manunulat, tiyak na malalabuan ang kaniyang mga mambabasa. Sa kabilang banda, kung puro naman pangungusap at wala man lang estilong pampanitikan, maaaring makulangan sa kulay o timpla ang isang akda.
Gayunpaman, mahalagang isaalang-alang ang uri ng sulatin na ginagawa. Ito ba'y sanaysay, editoryal, liham? Gawin nating halimbawa ang teknikal na pagsusulat ng talumpati. Mahalagang ganap na pangungusap ang gagamitin upang mailahad nang malinaw ang mga punto sa madla.
Sa kabilang banda, kung ikaw ay gumagawa naman ng isang malikhaing pagsusulat gaya ng tula o kwento, maaaring gumamit ng parirala upang lumikha ng emosyon o ritmo. Nabibigyan nito ng kulay ang tekstong nais ipahiwatig.
Tandaan din na sa paglinang ng kakayahan sa pagsulat, isa ito sa mga pangunahing hakbang patungo sa pagiging epektibong manunulat—ang pag-alam sa pagkakaiba ng dalawa.
Basahin din: Pagpapakahulugan sa Awiting Bayan
MGA URI AT HALIMBAWA
Pariralang Pandiwa – naglalaman ito ng pandiwa. Halimbawa: mabilis na tumakbo.
Pariralang Pang-ukol – tumatalakay naman ito sa mga pang -ukol. Halimbawa: tungkol kay Dr. Jose Rizal.
Pariralang Pawatas – binubuo naman ito ng maraming mga pandiwa. Halimbawa: sumayaw sa saliw ng musika.
Bagamat hindi buo ang ideya ng mga nabanggit, ang mga ito ay kadalasang ginagamit bilang bahagi ng mas malawak na pangungusap.
Narito ang ilang halimbawa:
- Mabilis na tumakbo si Karlo nang mapansing may asong humahabol sa kaniya.
- Ang mga bagay na kasalukuyang pinag-aaralan ng mga mag-aaral ay tungkol kay Dr. Jose Rizal.
- Si Rochelle ay agad na sumayaw sa saliw ng musika matapos magpatugtog ang kaniyang kuya.
Sa dulo ng lahat
Ang parirala at pangungusap ay maihahalintulad sa pagbuo ng bahay. Binubuo ito ng pundasyon (parirala) bago makumpleto ang mismong bahay (pangungusap).
Sa pamamagitan ng tamang pagkilatis at paggamit nito, mas nagiging makabuluhan at malinaw ang anumang akdang nais isulat.
Tandaan, mas magiging mahusay tayong manunulat kung batid natin kung paano gumawa ng parirala at bumuo ng pangungusap. Higit sa lahat, mas makabuluhan kung alam natin paano gamitin ang mga ito ayon sa layunin ng ating sinusulat.
Sa makatuwid, ang wastong pagkilala at paggamit sa parirala at pangungusap ay hindi lamang iisang proseso. Binubuo ito ng tuloy-tuloy na sistema ng pagsusulat dahil minsan, aminin man natin o hindi, may pagkakataong nalilito pa rin tayo.
Sa dulo ng lahat ng ito, mas nagiging maganda ang isang sulatin kung nagamit ng wasto ang parirala at pangungusap. Dagdag puntos pa kung ito'y binubuo ng estilo at kulay na hinahanap ng mga mambabasa.