Tinig at Tinta: Kamusta ang Edukasyon sa Pilipinas?

Lathalain | Edukasyon sa Pilipinas.
Naririnig pa naman ang tinig ng kabataan. May natitira pa namang tinta sa sandatang ginagamit upang marinig ang ang boses na sinasapawan ng ilang isyu. Ngunit kamusta naman kaya ang sistema ng edukasyon sa bansa? Sapat na ba ang tinig at tinta upang mabuksan ang mga mata ng mga nagbubulag-bulagan para sa mga sarili nilang interes?

Ang nakakabinging balita

Isang nakakabinging balita ang inilatag ng Philippine Statistics Authority (PSA) nitong 2024—mahigit 18 milyong high school graduates sa Pilipinas ang hindi masyadong nauunawaan ang binabasa. Ito'y ayon sa binalita ng GMA News Online na may pamagat na PSA: Over 18M high school grads don’t understand what they read.

Nakakabahala, nakakadurog ng puso, at nakakagalit. Ilan lamang ito sa maaai mong madama kapag nabasa mo ang balitang ito. Sino ba naman ang hindi makakadama ng pagkadismaya kung sa bansang itinuturing na susi sa mas magandang kinabukasan ang edukasyon ay tila nagkakaroon ng suliranin?

Mahirap pilitin na ito'y gawa-gawa lamang. Mahirap magpanggap na ito'y walang epekto sa bansa. Mahirap isipin na ganito ang nangyayari. Pero ang tanong, may magagawa pa ba? Kung ang tanong nga sa matematika ay may solusyon at sagot, ganoon rin sa mga problemang ito. Ang iba nga lamang ay mas mahaba at kailangan ng pasensya at suporta.

Ang problema nga ba ay nagmumula sa sistema ng edukasyon? o baka naman sa mga sarili natin? Iba-iba tayo ng opinyon at meron sa atin ang tatalima sa naunang nabanggit at meron din magsasabing nasa ating sarili ang problema.

Kung ating hihimay-himayin ang mga sanhi nito, mabubungkal natin ang klasiko ngunit hindi mawala-walang konsepto ng kahirapan. Dahil sa kakulangan ng pera, marami sa mga kabataan ang hindi na nakapag-aral pa. 

Oo't meron namang mga public school kung saan libre ang matrikula, pero hindi maitatanggi na marami pa ring gastusin kagaya ng mga uniporme at iba pang school supplies. Ang iba'y magsasabi ng "meron din namang libreng school supplies galing sa gboyerno, nasa tao lang talaga yan." Ngunit kung magiging patas ang ating pag-unawa at pag-obserba, isa din naman kasi sa rason ang kawalan ng magandang trabaho ng kanilang magulang. Sa murang edad, wala silang magagawa kundi ang kumayod na rin at tumulong para may laman ang mesa.

Sari-saring kwento at iba't ibang pangyayari. May solusyon para sa isa, ngunit tila sandamakmak pa ang nakapilang problema. Sa isang punto, mapapasabi ka nalang talaga na minsa'y nasa tao na rin talaga, dahil meron din namang kabataan na kaya namang pag-aralin ng magulang ngunit hindi pa rin pumapasok. Sa halip ay nagbubulakbol, sumasama sa mga masasamang gawain, at kung ano-ano pang bagay ang ilan. 

Ang tinig naririnig naman, ang tinta'y meron pa naman, pero ang puso'y nandoon pa kaya? 

Anong magagawa natin bilang pilipino?

Kaya naman na baliktarin ang nangyayari. Kailangan lamang na nasa tamang direksyon. Kung paano ito makakamit ay kailangang magsimula ito sa ating sarili.

Ang pagkakaroon ng tamang disiplina ay unang hakbang upang ang silid-aralan na dati ay inaalikabok, walang aklat, walang inspirasyon, walang direksiyon, ay unti-unting magkakakulay, yayabong, at uunlad.

Kailangan din na ilaan sa tama ang pondo na galing din sa taong-bayan. May korapsyong nangyayari ngunit may sinag pa rin naman ang araw, kagaya na lamang sa Pasig kung saan napaka-transparent lahat ng proyekto. Kung kaya doon, kaya rin sa iba pang sulok na bansa.

Hangga't maari, huwag lang magsimula sa mga pilot projects. Gawing malawakan ang proyekto kung kaya naman ng pondo at walang ibang balak.

Kailangan din ng pagpapahusay ng kurikulum at pagsasalin sa praktikal na kaalaman. HIndi sapat na naituro lang ang konsepto. Kailangan din na siguraduhing nababasa at nauunawaan ng mga mag-aaral ang mga tinuturo. Magkaroon ng reading-time kahit isang beses sa isang linggo. Hiwag balewalain ang mga batang hirap magbasa dahil kailangan nila ng suporta. Hindi galit at pagpapabaya ang sagot kundi pag-unawa at pasensya.

Ang pakikilahok ng komunidad at mga magulang ay napakahalaga rin. Ang edukasyon ay hindi lang trabaho ng paaralan. Ang bawat magulang, barangay, maging ang lokal at nasyonal na pamahalaan ay kailangang mag-abot ng kamay upang isulong ang iba't ibang programa sa mga barangay. Ilan sa pwedeng gawin ang mga simpleng community learning hubs upang tugunan ang reading comprehension ng mga bata sa pinaka-basic na antas. Ang kailangan ay simulan ang tamang disiplina sa pagbabasa at pag-unawa mula sa murang edad pa lamang. 

Pa-unti-unti ngunit may aksyon. Ganoon dapat. Hindi yung tsaka na lang kikilos kung andiyan na. Kung kaya naman ng ibang bansa, bakit hindi natin kakayanin? Kilala tayo bilang mapagkumpitensiya sa iba't ibang larangan, magpapahuli ba tayo sa larangan ng komprehensyon sa pagbabasa? Siyempre hindi. Kaya naman, simulan na natin to sa ating sarili dahil meron at meron tayong magagawa.

Tandaan, hangga't ang boses ay naririnig at ang tinta'y meron pa rin, kaya nating makipagsabayan. Kaya natin silang ungusan. Kaya nating umunlad at magkaroon ng magandang kinabukasan para sa sarili, pamilya, at maging ang buong bansa.

Ang litratong ginamit ay mula sa Unsplash.


McJulez

McJulez is a dedicated writer with a passion for creating concise summaries, sharing insightful notes, and offering fresh perspectives on various topics. With a Bachelor’s degree in Business Administration and a background in campus journalism, McJulez is committed to delivering content that is both reliable and enriching. Focused on fostering a healthy learning community, McJulez aims to make this platform a space for knowledge, growth, and meaningful connections.

Mag-post ng isang Komento

Mas Bago Mas luma