Nagdesisyon, Umalis, Nanindigan: Mga Rason sa Pagpili ng Paaralan sa Ibang Lugar

Nagdesisyon, Umalis, Nanindigan: Mga Rason sa Pagpili ng Paaralan sa Ibang Lugar

Kalidad. Pasilidad. Oportunidad. Sari-saring bagay, iba't ibang buhay—mga tao'y may kaniya-kaniyang dahilan sa pagpili ng isang bagay na maaring pinag-isipan ng matagal o di kaya'y agaran, pero ang pinaka-importante sa lahat ay paninindigan. 

Mga Rason sa Pagpili ng Paaralan sa Ibang Lugar
Lathalain | Mga Rason sa Pagpili ng Paaralan sa Ibang Lugar


Bakit nga ba mas pinipili ng ibang estudyante na mag-enroll sa ibang lugar kung meron naman sa lokalidad nila? Kalidad, pasilidad, oportunidadanuman ang rason nila, isang malaking desisyon ang kanilang ginampanan kasama ng kanilang mga magulang na nagtiwala at nagsuporta.

Kalidad

Ang pag-alis sa lalawigan upang mag-aral sa ibang lugar ay sumisimbolo ng katapangan lalo na kung ang rason ay mas dekalidad na edukasyon. Kalakip naman nito ang mas mahal na matrikula at cost of living, bagong mukha at kapaligiran, at marami pang iba.

Isang pambansang kaisipan na ang diplomang pinaghirapan sa mga kilalang unibersidad ay mas nakakatulong upang makahanap ng mas magandang trabaho sa hinaharap. 

Sa mga institusyong ito, mahalagang magkaroon ng umaapaw na determinasyon dahil hindi rin basta-basta ang pagdadaanang hirap. Pero sabi nga nila, paano pa't tayo'y Pilipino kung takot din namang humarap sa mga pagsubok? 

Kilala tayo bilang matapang, mapagkumpitensya o competitive sa Ingles, at marami pang iba. Dahil dito, ang paghangad ng dekalidad na edukasyon bilang rason upang tumungo sa ibayong lugar upang mag-aral ay talaga namang rason na kumakatawan rin sa tapang at kompiyansa sa sarili.

Pasilidad

Masakit mang aminin pero may mga institusyon talagang hindi ganon kaaliwalas ang paligid. Dahil dito, mas ninanais ng iba na makipagsapalaran sa ibang lugar, lalo na sa mga pribadong institusyon, na nag-ooffer ng mas magandang pasilidad kung saan ang mga estudyante ay hindi lamang mas ligtas ang sekyuridad kundi komportable din.

Ang rason naman ng iba ay ang mga makabagong pasilidad katulad ng, science labs, engineering labs, simulation rooms, research hubs, at kung ano-ano pang rooms kung saan nararanasan ng todo ang sinasabing “hands-on experience.” 

Madalas, ang mga estudyanteng naghahnagad nito ay yung mga gustong mag-excel sa kanilang kurso.Hindi dahil hindi sapat ang teorya, kundi gusto nila ng mga pasilidad kung saan matutulongan silang maging eksperto sa piniling larangan.

Dagdag dito, ang access sa library na may mas malawak na koleksyon ng mga libro, journals, at online databases ay isang malaking tulong din na maaaring limitado lang sa ilang probinsya. Dahil dito, ang mga estudyanteng naghahangad ng mas malalim na pananaliksik at akademikong diskurso ay lumilipat sa mga paaralang may mas mataas na antas pagdating sa mga pasilidad. 

Ang ganitong rason ng paglipat sa ibang lugar upang mag-aral ay hindi dahil sa pagkukulang ng sariling bayan kundi dahil sa pangangailangan ng mas magandang pasilidad na mas makakatulong sa pagkamit ng kanilang pangarap at pagpapabuti sa kanilang sarili para sa propesyong ninanais.

Oportunidad

Madalas na nagbibigay ng magagandang oportunidad ang mga malalaking kompaniya na siya namang sinusulit ng ilang estudyante na naghahangad ng mas magandang edukasyon sa lungsod.

Maliban sa mga scholarship programs na inaalok, isang rason din ang magagandang oportunindad na naghihintay sa kanila pagdating sa on-the-job training (OJT), seminars, exchange programs, at exposure sa aktwal na industriya ng propesyong kanilang napili.

Hindi ang mga naglalakihang gusali at makabagong transportasyon ang nagtutulak sa kanila na piliin ang ibang lugar, kundi ang posibilidad na makapag-intern sa isang sikat na kompanya, lumahok sa mga national conferences, o makadalo sa mga job fairs at networking events na maaaring wala sa lugar nila. 

Gayunpaman, sa pamamagitan ng mga aktibidad na ito, nagkakaroon ang mga estudyante ng mas malawak na perspektibo sa kanilang kurso at inaasam na propesyon.

Kalakip ng malaking oportunidad ang mga personal na benepisyo rin na makukuha sa labas ng paaralan. Matututunan ang iba't ibang soft skills gaya ng pakikitungo sa iba't ibang tao, pagharap sa pressure, at pagtuturo sa sarili kung paano mag-adapt sa mabilis na pagbabago, sinuman ang kasalamuha, anumang kultura o tradisyon, at estado ng buhay. Ang mga ito ay mahahalagang rason sa kanilang pagpili at alam natin na kinakailangan ito sa totoong buhay.

Sa dulo ng lahat

Oo't isa itong malaking desisyon. Ang pagpili sa ibang lugar ay hindi lamang isang simpleng kagustuhan. Ito rin ay isang layunin, adhikain, at pangarap na talaga namang pipiliin at karapat-dapat na ipaglaban at suportahan. 

Kung saan ka masaya at magiging mas mabuti, bilang tao at propesyonal sa hinaharap, doon ka. Piliin ang makakabuti sa'yo, pero huwag ding kakalimutan kung saan ka nagmula. 

Huwag hayaang tangayin ng masamang hangin ang iyong prinsipyo. Manalig din at magpursigi dahil para sa kinabukasan mo ito, at alam nating kaya mo.

Basahin din: Tinig at Tinta: Kamusta ang Edukasyon sa Pilipinas?

McJulez

McJulez is a dedicated writer with a passion for creating concise summaries, sharing insightful notes, and offering fresh perspectives on various topics. With a Bachelor’s degree in Business Administration and a background in campus journalism, McJulez is committed to delivering content that is both reliable and enriching. Focused on fostering a healthy learning community, McJulez aims to make this platform a space for knowledge, growth, and meaningful connections.

Mag-post ng isang Komento

Mas Bago Mas luma