Alas singko y media pa lamang ng umaga ay marami nang abala na nanay. Ganitong-ganito ang eksena tuwing unang araw ng pasok sa paaralan.
May hindi na nakatulog dahil sa excitement at meron pa ring nakahilata sa higaan kahit nakailang tilaok na ang mga manok. Samantalang ang mga magulang ay di na maipinta sa mukha ang pagka-abala para lamang masigurado na magiging maayos ang daloy ng araw ng kanilang mga anak.
{tocify} $title={Table of Contents}
![]() |
Flag ceremony sa unang araw ng klase. Mula sa Unsplash. |
Muling narinig din ang kampana, hudyat na kailangan nang pumila para sa flag ceremony. Masiglang-masigla ang karamihan lalo na ang mga chikiting ngunit meron pa ring mangiyak-ngiyak na bata.
Ayon sa iniulat ng GMA News, may mga batang nagkasepanx o separation anxiety. Karamihan sa mga ito ay mula sa kindergarten na normal nang eksena sa mga ganitong pagkakataon.
Maririnig ang iyakan ng ilang bata sa lower grades habang sinusuyo ng kanilang mga magulang para patahanin. Gayunpaman, meron ding ilan na pinapaalis na agad ang kanilang mga magulang at sinasabing kaya na nila.
Hindi rin maiiwasan ang hamon sa overcrowding na inasahan ng ilang institusyon dahil sa kakulangan ng mga klasrum. Ayon sa binalita ng TV Patrol, ilang paaralan kulang sa classroom sa unang araw ng mga klase.
Bilang Pilipino, nasa dugo natin ang pagiging madiskarte kaya gumawa ang ilang paaralan ng paraan para matugunan ito.
Sa usaping baha naman, nagsuspinde ang Frances National High School sa unang araw ng klase noong Hunyo 16, 2025. Ito'y ayon sa balitang nilabas ng 24 Oras sa parehong araw.
Dagdag pa ang kawalan ng malinis na tubig kaya na nagdulot ng mas malaking problema. Hindi na ito bago. Taon-taon na lang kung makaranas ng mga ganitong eksena at mismong sa araw pa talaga ng pasukan.
Narito naman ang mga ibang kaganapan sa loob ng klase sa unang linggo:
- Oryentasyon tungkol sa bagong academic year
- Pagpapakilala sa sarili at ng mga bagong asignatura
- Pagboboto ng bagong Class President at iba pang officers
- Pagtalakay ng mga unang leksyon sa klase
- Pakikisalamuha at pagkakaroon ng mga bagong kaibigan at grupo
Bagama't hindi pa ganon kagrabe ang mga gawain at marami pang oras na pwedeng ilaan sa ibang bagay, pairalin pa rin ang disiplina sa sarili.
Para sa mga magulang na kasing-excited ng kanilang chikiting, mas mainam na maghanda ng pagkain ng mga anak para siguradong masustansiya at malinis. Ito ay upang maiwasan na makakain ang mga anak ng mga nakakasama sa kalusugan.
Marami namang tutorial sa Youtube at iba pang social media platforms. Matuto lang manaliksik kagaya ng ginagawa sa paaralan. 'Di ba? Meron pa rin talagang gamit ang akala natin noon na walang silbi sa totoong kalakaran ng buhay.
Sa mga mag-aaral naman, anuman ang naging karanasan niyo sa linggong ito nawa'y magkaroon pa kayo na mas matinding dedikasyon sa pag-abot ng inyong mga pangarap.
Hindi masamang magpahinga ha lalo na kung napagod. Nagiging masama lang pag mas marami pa yung tulog at pahinga kaysa sa pag-aaral. Gayunpaman, galingan palagi ha? Kayang-kaya niyo 'yan.
Basahin din: School Year 2025-2026, Magsisimula Na sa Hunyo 16, 2025