Parang hagdang tila walang katapusan, ang bawat aralin, proyekto, at obligasyon bilang estudyante ay hindi nauubos ngunit lalo pang nadadagdagan.
Kagaya ng buhay na patuloy dumadaloy sa agus ng panahon, ang bawat yugto ay maaaring mapuno ng saya, hamon, at mahahalagang aral.
Habang tayo'y nasa kalagitnaan ng ating pag-aaral, tiyak ay marami na tayong karanasan na hindi malilimutan.
Madadagdagan pa ang mga ito dahil sa bawat yugto ng ating pag-aaral, marami tayong pinagsamahan at pagsasamahan pa na magbibigay kulay at saya sa ating buhay bilang estudyante.
Kaya kung naghahanap ka ng replektibong sanaysay tungkol sa buhay estudyante, atin itong pag-uusapan sa artikulong ito. Halina't ating tunghayan ang mga kwento at karanasan sa loob ng paaralan na talagang nagdulot ng kakaibang saya sa atin.
Dala-dala'y Aklat, Bitbit ay Pangarap
Ang puhunan ay kasipagan at suporta ng ating mga magulang. Sa mga sandaling nahihirapan, nariyan ang ating mga motibasyon upang muling buhayin sa ating puso ang apoy ng pangarap.
Maaaring mangiyak-ngiyak tayo dahil sa pagod at tila walang katapusang mga aralin. Gayunpaman, ang pag-akyat sa nakakapagod na hagdan habang dala-dala ang mga aklat patungo sa tugatog ng tagumpay, ay simbolo ng kalakasan at pananabik sa magandang kinabukasan.
Mapuyat man dahil sa mga proyekto at mga aralin, magagawa pa ring ngumiti dahil ang buhay ay sadyang ganito lamang. Ang bawat puyat at sakripisyo ay humuhugis sa magandang kinabukasan natin.
Alam kong nakakapagod pero magpatuloy lamang. Bitbitin natin ang ating mga pangarap hangang marating natin ang ating mga hinahangad.
Pagsali sa mga Aktibidades sa Eskwela
Ang mga kaganapan sa paaralan ay nagsisilbi ring pagkakataon para makilala ang mga kaklaseng hindi pa natin lubos na kilala. Magandang pagkakataon din ito upang makipag-bonding sa mga kaibigan, at sama-samang gumawa ng karanasan.
Nariyan ang hiyawan at hindi matapos-tapos na patalbugan sa foundation day. Nariyan din ang tila nagsusumiklab na galawan tuwing sports fest.
Nariyan pa ang mala-best actress at actor na aktingan pagdating sa buwan ng pagtatanghal. Marami pang iba, at alam kong gustong-gusto niyo rin ang mga 'yun.
Tunay na sa mga simpleng pagsusunog ng kilay para sa mga school projects hanggang sa mga mahabang pila para sa mga tickets ng mga event, ito'y mga karanasang nagpapahiwatig ng ating dedikasyon sa ating mga pangarap.
Ang bawat karanasang ito ay bahagi ng makulay nating buhay bilang mag-aaral, dahil sabi nga nila, bawal ang kj kung gusto mong ma-enjoy ang pagka-estudyante mo 'di ba?
Madaling araw na, Bukas pa rin ang mga mata
Kalakip ng hirap ay pag-asa. Ito'y malinaw na ang bawat hirap ay may katumbas na gantimpala. Hindi agad-agad, pero darating ang panahon na ito'y magbubunga kagaya ng halamang inalagaan at hindi hinayaang mamatay o malanta.