Pagsusuri sa Akdang Liongo

Ang pisikal na kalakasan ay hindi likas sa atin, ngunit kung ito ay ating pinagtuunan ng pansin kaakibat ng tamang aksyon, tiyak na ito'y makakamtan natin. 

Sa sulating ito, susuriin ang isang malakas na indibidwal na hindi nasusugatan ng armas. Kung bakit nga ba siya ay itinuturing din na pinakamahusay na makata sa kanilang lugar ang siyang matutuklasan. Meron kaya siyang sikreto na ayaw niyang malaman ng iba? Iyan at ilang katanungan ang ating matutunghayan.

Ito ang akdang Liongo, isang epiko na mula sa bansang Kenya ng Africa, na isinalin sa wikang Filipino ni Roderic P. Urgelles. Bigyang-pansin ang bawat pangyayari at himayin ang mga tagpo upang matukoy ang mga suliraning kinaharap ng pangunahing tauhan sa kwento at kung anong aral ang mapupulot dito.

{tocify} $title={Table of Contents}

Liongo
Pagsusuri sa Akdang Liongo. (Inedit sa Canva)


Buod ng Liongo

Si Liongo ay isang bayani at makata mula sa isa sa pitong baybaying-dagat ng Kenya. Maliban sa pagiging hari sa Ozi at Ungwana sa Tana Delta, at Shangha sa Faza o isla ng ng Pate, siya ay kilala rin sa taglay niyang lakas at taas tulad ng higante. Hindi rin siya basta-basta nasusugatan ng anong armas. Ngunit kagaya ng iba, siya ay may kahinaan din at ito'y isang lihim na tanging siya lamang at ang kaniyang inang si Mbwasho ang nakakaalam. 

Nagtagumpay si Liongo na agawin ang trono ng Pate kung saan ang kaniyang pinsang si Haring Ahmad ang unang namuno. Dahil sa kagustuhan ni Haring Ahmad na mawala si Liongo, ikinadena niya ito at kinulong. Habang abala ang iba sa pagkakanta sa labas ng bilangguan, ginamit ni Liongo ang kaniyang talino at lakas hanggang siya ay nakahulagpos sa tanikala na hindi nakikita ng mga bantay.

Nanirahan si Liongo sa Watwa at nagsanay sa paggamit ng busog at palaso. Kalauna'y nagkaroon ng isang paligsahan ng pagpana kung saan siya ang nanalo. Ang may pakana rin nito ay ang hari upang siya’y madakip. Gayunpaman, muli siyang nakatakas.

Dahil nga hindi madakip-dakip ng tuluyan si Liongo, binigay ng hari ang dalaga niyang anak para maging pakasalan si Liongo at siya'y maging bahagi ng pamilya. Kalauna'y nagkaanak siya ng isang lalaki na sinong mag-aakala ay siya rin palang magiging dahilan ng kaniyang kamatayan.

Mensahe sa likod ng kwento

Mula sa buod na binasa, umiikot ang mensahe sa kahalagahan ng talino bukod sa lakas. Pinapakita sa akda na wala sa sandata ang tunay na lakas dahil minsa'y daig ito ng pagiging mapanuri sa paligid at matalino.

Ang katapatan ay umiral din bilang sentro ng kwento. Wala sa dugo ang tunay na katapatan dahil minsan, meron at merong tao na kahit kadugo mo ay ipagkakanulo ka. Minsan mapapaisip na lang tayo, hindi pala "blood is thicker than water" minsan.

Mga Pangunahing Tauhan

Liongo

Likas na malakas at matalino, ngunit sa likod ng tila hindi bakal niyang lakas ay may kinukubli siyang sikreto tungkol sa kaniyang kahinaan na matatagpuan sa kaniyang pusod.

Haring Ahmad (Hemedi)

Tuso at hindi agad-agad sumusuko. Sa kabila ng kaniyang kabiguan pagkatapos ng isa pang kabiguan, hindi talaga siya sumuko hanggat hindi niya nadadaig si Liongo.

Mula sa dalawang karakter na ito, mabubuo ang mensaheng:

Hindi porke't ikaw ay hinahangaan ng iba dahil sa taglay mong tapang at lakas ng loob ay wala ka nang kahinaan.

Gayunpaman, laging tandaan na kapag gusto ang isang bagay, ang pagsuko ay hindi kailanman magiging isa sa pagpipilian. Meron at meron kang magagawa. Kaya mo yan. magtiwala ka lang.

Basahin din: Pagsusuri sa Ang Pabo na Prinsepe

Estilo ng pagsusulat

Ginamit sa akda ang estilo sa pagsusulat ng epiko. Nagsasalaysay ito ng kabayanihan ng pangunahing tauhan na may kakaibang katangian at ito ang kalakasan at katalinuhan.

Mga Elemento ng kwento

Tagpuan

Ang kaganapan sa istorya ay matatagpuan sa Silangang Aprika, partikular sa baybaying-dagat ng Kenya.

Banghay

Nagsimulang payak ang kwento ngunit punong-puno ng kaganapan pagdating sa plot, kagaya ng pagtatakwil, pakikipaglaban, at pagtakas.

Tema

Masasalamin ang iba't ibang tema kagaya ng katapatan, kasakiman sa kapangyarihan, tukso at pag-ahon mula sa masalimuot na pamngyayari.

Sa dulo ng lahat

Ang kwentong Liongo ay hindi lamang basta umikot sa pangunahing tauhan. Ito rin ay nagpakita repleksyon ng mas malawak na konteksto ng lipunan, partikular ang paglilipat ng kapangyarihan mula sa matrilinear tungo sa patrilinear na sistema ng pamamahala. Ipinapakita nito na sa paglipas ng panahon, ang mga bagay-bagay ay nagbabago.

Mula sa kwentong ito, atin ding pakatatandaan na kahit ang pinakamalalakas at pinakamahuhusay ay may mga kahinaan rin. Ang sikretong kahinaan ni Liongo ay sumisimbolo sa katotohanang ang bawat tao, gaano man kadakila, ay may kahinaan na maaaring magdulot ng kanilang pagbagsak. Ito'y isang aral na kahit sa modernong panahon kung saan ang pagiging bukas sa sariling limitasyon ay nananatiling makabuluhan.

Sa kabuuan, ang kalikasan ng tao, lipunan, at ang ugnayan sa pagitan ng lakas at kahinaan ay mahusay na pinakita sa akda. Tunay na ang pagiging bayani ay hindi lamang nasusukat sa pisikal na lakas, kundi sa husay, talino, at kakayahang tumayong muli mula sa mga mahihirap na hamon ng buhay.

Pagkatapos mong basahin ang kwento, nawa'y naimulat sa isipan na ang kapangyarihan ng salita, maging ang tapang at talino, ay maaaring gamitin upang magtagumpay sa likod ng pagtataksil, inggit at panganib mula sa paligid.

Basahin din: Pagsusuri sa Akdang si Juan Osong: Katalinuhan at Katusohan

McJulez

McJulez is a dedicated writer with a passion for creating concise summaries, sharing insightful notes, and offering fresh perspectives on various topics. With a Bachelor’s degree in Business Administration and a background in campus journalism, McJulez is committed to delivering content that is both reliable and enriching. Focused on fostering a healthy learning community, McJulez aims to make this platform a space for knowledge, growth, and meaningful connections.

Mag-post ng isang Komento

Mas Bago Mas luma