Ang Parabula ng Banga at Mga Aral na Mapupulot

Mula sa artikulong Ano ang Parabula? Nilalaman, Elemento at Kakanyahan, matatandaang pinag-usapan ang kahulugan at mga bagay na nagpapahiwatig sa isang parabula. Sa sulating ito, mas bibigyang-linaw pa ang nais iparating ng mga parabula sa pamamagitan ng isang halimbawa.

{tocify} $title={Table of Contents}

Ang Parabula ng Banga. (Edited in Canva)

Ang Parabula ng Banga ay may malaking kaganapan sa pagpapaintindi ng kahalagahan ng wastong pagdedesisyon at tamang disiplina.

Ito ay isang kwento na kapupulutan rin ng mahalagang aral tungkol sa pagkakaroon ng tamang pagpapahalaga sa ating sarili.

Ipapaunawa nito na kailangan nating tandaan ang ating pinagmulan at alamin ang ating mga limitasyon. Ipapakita din nito sa atin ang pag-unawa sa mga kakayahan at kahinaan ng isang tao.


Ang Pagkilala sa Sarili't Pinagmulan

Bagama't ang bida sa kwento'y isang banga na gawa sa lupa, mapapansin ang matalinong pagsasadula ng aral tungkol sa pag-unawa sa sarili.

Sa pamamagitan ng Inang Banga na patuloy na nagpapaalala sa kanyang anak na siya ay isang bangang gawa sa lupa, mahihinuhang ang mga payo ng magulang ay para sa ating kabutihan.

Ang mga salitang ito ay isang mahalagang aral na bagama't halos walang limit ang kaya nating gawin, meron at merong limitasyon pa rin sa ating buhay. 

Hindi man lubos na maiiwasan ang mga ito, ang pagtanggap at pagkilala sa ating mga kahinaan at kalakasan ay magtutungo sa atin sa masaya't kuntentong pamumuhay.

Ang Pagkakaiba-iba ng Bawat Isa

Sa paglipas ng panahon, maraming tao ang ating nakakasalamuha. Hindi maitatanggi na minsan, napapako ang ating mga mata sa iba lalo na kung sila'y nakakahalina.

Kagaya sa parabulang ito, nakatagpo ang bangang gawa sa lupa ng iba pang mga uri ng banga, kagaya na lamang ng porselanang banga.

Sa kabila ng kanilang pagkakaiba, natutunan ng anak na banga na ang bawat isa sa kanila ay may kahalagahan at layunin. Magkaiba man sila ng materyales at disenyo, sila ay may parehong layunin naman na ginagampanan, kagaya ng pagiging dekorasyon o lalagyan.

Mula sa perspektibong ito, mahihinuha natin na kahit tayo ay magkakaiba, may pagkakapareho pa rin tayo at kanya-kanyang halaga. 

Hindi natin kailangang ihambing pa ang ating sarili sa iba dahil lahat tayo ay may papel na ginagampanan sa loob ng ating tahanan at sa komunidad na ating kinabibilangan. Higit sa lahat, ang pagkakaiba-iba ay hindi hadlang sa ating pagkakaisa.

Basahin din: Mga Popular na Babasahin: Magasin, Tabloid, Komiks, atbp.

Ang Masusi't Maingat na Pagdedesisyon

Ang pinakamahalagang aral na mapupulot mula sa parabulang ito ay ang pagkakaroon ng maingat na pagdedesisyon. Matutunan ito sa kaganapan kung saan isang araw, bagama't tinanggihan noong una ay napasama pa rin ang lupang banga sa porselanang banga na maligo sa lawa. Oo't hindi naman masama ang makisama sa iba pero kailangan pa ring isipin kung ano ang maidudulot nito sa atin.

Dahil sa kaniyang pagiging padalos-dalos, hindi niya inaasahan ang mga kahihinatnan ng kanyang desisyon. Habang sila ay lumundag sa lawa, nagkaroon ng malakas na banggaan na nagdulot ng pinsala sa kanya. Nanatiling buo ang porselanang banga samantalang ang bangang gawa sa lupa ay nagkalamat at unti-unting lumubog sa tubig. 

Sa pangyayaring ito ay matututunan nating ng malinaw ang paalala sa pagbuo ng wastong desisyon sa ating buhay. Minsan ay may mga pagkakataon na naiisip natin na ang ating mga hakbang ay tama, pero madalas, ang mga agarang desisyon ay nagdudulot ng hindi inaasahang kahihinatnan. 

Tunay na mahalagang isipin muna ng mabuti at maging maingat sa ating mga desisyon dahil sa oras na nagawa na natin ito at nagdulot ng hindi maganda, hindi na natin ito mababawi pa.

Sa Dulo ng Lahat

Ang parabula ng banga ay nagmumulat sa atin na magkaroon ng kamalayan sa ating sarili, kakayahan, at pinagmulan. Pinapaalala rin nito sa atin na kailangan nating makinig sa ating mga magulang at mga nakakatanda sa atin dahil ang mga payo nila ay para din sa ating kabutihan.

Higit sa lahat, ang paggawa ng desisyon ay hindi kasindali ng ating inaakala. Merong madali, pero meron din yung mga akala natin ay madali pero dahil sa ating pagiging impulsibo, nagdudulot ito ng hindi kanais-nais na resulta.


McJulez

McJulez is a dedicated writer with a passion for creating concise summaries, sharing insightful notes, and offering fresh perspectives on various topics. With a Bachelor’s degree in Business Administration and a background in campus journalism, McJulez is committed to delivering content that is both reliable and enriching. Focused on fostering a healthy learning community, McJulez aims to make this platform a space for knowledge, growth, and meaningful connections.

Mag-post ng isang Komento

Mas Bago Mas luma