Isa sa kinagigiliwan kong aralin ang mga dioyos at diyosa ng mitolohiyang Griyego at Romano. Sa araling din ito madalas nagsusuot ang mga mag-aaral ng costume na gawa nila bilang aktibidad sa Filipino 10.
Hindi lang pagpapakita ng interes ang pag-aaral sa mga ito kundi pagpapahiwatig rin ng mayamang kultura ng ibang bansa pagdating sa pantikan.
Sa pamamagitan nito, atin ding nakikita ang mga pagkakapareho at pagkakaiba ng mga mitolohiyang ito sa ating sariling panitikan.
Maliban sa pagtalakay sa bawat diyos at diyosa, aalamin din ang kanilang simbolo at kapangyarihan para mas maunawaan ang kanilang karakter.
{tocify} $title={Table of Contents}
Mga diyos at diyosa ng Mitolohiyang Griyego at Romano
Marahil ay may napanood ka nang pelikula tungkol sa mga diyos at diyosa. Isa sa pinakasikat na halimbawaay ang Clash of the Titans. Pero sino nga ba ang mga tinatawag na diyos at diyosa ng Mitolohiyang Griyego at Romano?
Ilan sa pinakasikat na karakter nito ay si na Zeus, Poseidon at Hades na madalas tampok sa mga pelikula. Maliban sa kanilang kapangyarihan, ang kanilang pinagmulan at pinaghuhugutan ng emosyon ay madalas ding tampok at kapupulutan ng mensahe.
Saan sila matatagpuan batay sa mitolohiya?
Ayon sa sinaunang Griyego, naniniwala sila na ang mga diyos at diyosa ay naninirahan sa isang lugar kung saan tinatawag na Mount Olympus.
Ang Mount Olympus ay tinaguriang banal na tahanan ng mga pinakamakapangyarihang mga diyos at diyosa. Pinaniniwalaan din ng mga Griyego na ito ang pinakamataas na lugar sa mundo.
Dito matatagpuan sina Zeus at ang iba pang mga diyos at diyosa.
Sino-sino ang mga diyos at diyosa ng Mitolohiyang Griyego at Romano?
Griyego | Romano |
---|---|
Zeus | Jupiter |
Hera | Juno |
Poseidon | Neptune |
Hades | Pluto |
Athena | Minerva |
Apollo | Phoebus |
Artemis | Diana |
Aphrodite | Venus |
Hermes | Mercury |
Ares | Mars |
Hephaestus | Vulcan |
Demeter | Ceres |
![]() |
Mga diyos at diyosa |
Katangian at Kapangyarihan ng mga diyos at diyosa ng Mitolohiyang Griyego at Romano
Zeus o Jupiter
Siya ang Hari ng mga diyos. Siya ang diyos ng kalawakan at panahon at tagapagparusa sa mga sinungaling at hindi marunong tumupad sa pangako. Ang madalas niya g simbolo ay kulog, kidlat, at iskala ng hustisya.
Hera o Juno
Siya ay asawa ni Zeus o Jupiter. Tinuturing siyang reyna ng mga diyos. Siya ang tagapangalaga ng pagsasama ng mag-asawa. Sa magkakapatid na anak nina Cronus at Rhea, siya ang bunso. Kung ihahambing sa hayop, sinisimbolo niya ang peacock.
Poseidon o Neptune
Kagaya ng mga napapanood nating pelikula, kilala si Poseidon o Neptune bilang hari ng karagatan at lindol. Kapatid niya sina Zeus at Hades o Jupiter at Pluto. Ang trident ang madals na sumisimbolo sa kaniya.
Hades o Pluto
Siya naman ang itinuturing na panginoon ng impyerno. Asawa niya si Persephone o Proserpina. Kilala rin ang kaniyang aso na may tatlong ulo na si Cerberus. Kung si Poseidon ay may trident, siya naman ay may bident.
Ares o Mars
Siya and diyos ng digmaan at pagdanak ng dugo. Kung iuugnay sa isang hayop, siya ay isang buwitre at oso. Kinamumuhian siya ng ibang diyos at diyosa maliban kay Aphrodite o Venus. Ang sumisimbolo sa kaniya ay helmet, sibat, at mga gamit pandigma.
Apollo o Phoebus
Siya naman ang itinuturing na diyos ng propesiya. Kung may salot man o may karamdaman, siya ang diyos na tinatawagan. Madalas ding mapansin ang kaniyang kagandahang lalake. Ang sumisimbolo sa kaniya ay dolpin at uwak.
Athena o Minerva
Siya naman ang diyosa ng karunungan. Kagaya ni Ares, malaki rin ang papel niya sa digmaan at katusuhan. Kuwago naman ang ibong maiuugnay sa kaniya. Wala man siyang asawa, madami naman siyang ambag sa iba't ibang larangan kabilang na ang sining, estratehiya, at marami pang iba.
Artemis o Diana
Maliban sa pangangaso, kilala rin siya bilang diyosa ng panganganak. Ang buwan ang siyang simbolong ginagamit sa kaniya. Kapag kailangan ng proteksyon sa mga kabataan lalo na ang mga kababaihan, siya ng tinatawag.
Aphrodite o Venus
Bilang diyosa ng kagandahan, siya ay madalas iniuugnay sa pagmamahalan at pertilidad. Ang asawa niya ay si Hephaeustus ngunit sinasabi rin ng iba na may naging relasyon din sila ni Ares. Ang simbolo naman na madalas i-ugnay sa kaniya ay salamin.
Demeter o Ceres
Siya naman ay kilala bilang diyosa ng agrikultura. Madalas din siyang ibilang na diyosa ng pertilidad lalo na sa mga ani ang iba pang pananim. Anak niya si Persephone na dinukot ni Hades. Ang kaniyang simbolo ay palay at cornucopia.
Sa Dulo ng lahat
Ang Mitolohiyang Griyego at Romano ay itinuturing na isang yaman na bahagi ng kultura't kasaysayan ng mga Griyego at Romano.
Sa pag-aaral ng mga ito, nabubuhay ang mga kwento ng mga diyos at diyosa na nagsilbi bilang mga modelo ng katapangan, karunungan, kagandahan, at kapangyarihan sa sinaunang panahon.
Ang maganda din dito ay may mga aral ding mapupulot kagaya ng sarili nating mitolohiya sa mga diyos at diyosa sa Pilipinas. Sana ay may natutunan ka sa talakayang ito.